Deviant Login Shop  Join deviantART for FREE Take the Tour
×

:icondragonaliengal: More from dragonaliengal


More from deviantART



Details

Submitted on
March 12, 2011
File Size
16.5 KB
Link
Thumb

Stats

Views
446
Favourites
1 (who?)
Comments
6
Downloads
3
×
...ANG KATAPUSAN...NGA BA?..

...Disclaimer: Contains excerpts from the book itself...
All copyright goes to Dr. Jose Rizal

"Ay!" ani Basilio na pinagdaop ang kamay, "nahuli na kayo, huling-huli na!"
"At bakit?" ang tanong ni Simoun na ikinunot ang kilay.
"Namatay na si Maria Clara!" Napatindig na bigla si Simoun at dumaluhong sa binata.
"Namatay?" ang tanong na pinaghaharian ng ngitngit.
"Kaninang mag-iikaanim ng hapon lamang; ngayon ay maaring..."
"Hindi totoo!"ang pasigaw na giit ni Simoun na namumutla at nanlilisik ang mga mata, "hindi totoo! Buhay si Maria Clara! Nararapat mabuhay si Maria Clara!"
Nang gabing iyon, ay si Padre Salvi na ang siyang nagpasiyang ilibing na si Maria Clara sa lupang matatagpuan sa likod ng simbahan. May maliit na hardin doon na tila nakaligtaan na ng sambayanan, at ginagawa nang tambakan ng mga kagamitang hindi na ginagamit sa simbahan—mga sirang krus, mga punit na mga imno at mga batong istatuwa na napugutan na ng ulo, kamay, o di kaya ay natanggal ang pinta nito. Tinitigan ito nang matagal ni Padre Salvi, at nagbuntung-hininga. Alam niyang ginagawa ng simbahan ang makakaya nito upang itago ang mga depekto nito; upang panatiliin ang ilusyon ng pagiging perpekto sa paningin ng mga tao. Ngunit sana inilagay nalang sila sa ibang lugar, upang hindi gaano kasikip ang lupain na ilalaan para sa kanyang Maria Clara. Sinimulan na niyang hukayin ang lupain upang mailagay na si Maria Clara. Ihinimlay niya ang katawan at nagmasid pa muna sa paligid upang makasigurong walang ibang makapupuna sa isinasagawang pagkukubli ng kasalanang nagawi. Dahan-dahang itinaas nang bahagya ang saya ng dalaga. Nang masilayan ni Salvi ang mga paa ni Maria Clara ay naramdaman niya ang init na dumaloy sa kanyang katawan. Nakikita na niya—nahahawakan na niya. Iniwan ni Salvi na nakasiwalat ang ibabang bahagi ng binti ni Maria Clara ayon sa inutos ni Padre Camorra, at sa gayon ay masilayan niya ito sa mga pagkakataong nakapag-iisa lang siya, at kung susuwertehin pa siya, ay mahawakan ang mga ito. Laki ang bungisngis ni Padre Salvi nang natapos siya sa paglibing kay Maria Clara, at pinagpag niya ang kanyang mga kamay nang ubod ng kaluguran. Halos mapalundag-lundag pa siya nang siya'y bumalik sa kumbento, ngunit maliksi niyang iniba ang kanyang posisyon at tumindig nang maayos nang dinaanan siya ni Padre Camorra. "Ang katawan?" tanong nito. "Mapayapa na pong nakalibing sa hardin."
"Mabuti," Malugod na sinabi ni Padre Camorra. "Isipin mo Salvi,  mga taong nakapila na parang isang prusisiyon...at nagbabayad sa simbahan sa tuwinang hinahawakan nila ang mahiwagang mga paa ni Sta. Clara!"
Tinapos ito ni Camorra ng isang mapangbulalas na halakhak, at sinikap ni Salvi na sabayan ang katakuttakot nitong halakhak.
Ngunit tumigil si Camorra at tinignan si Salvi. "at ang taong dumalaw kahapon, balita ko'y...may ibibigay siya kay Maria Clara? Hindi ba't ikaw ang tumanggap noon? Ano ang nilalaman noon?"
"...isa lamang sisidlang kahoy na nababalot ng lona, na may lamang pabango sa lob na galing pang Espanya. Ang nagbigay ay isang taong nababalot ng kapa, at hindi ko mawari kung sino, pero kailangan pa ba malaman iyon? May nakalagay na Victorina sa bote, marahil iyon ang ngalan ng industriyang gumagawa noon. May sulat ding nababalot, ngunit hindi ko na iyon pinansin." Sa ulat na ito ay nanlaki ang mga mata ni Camorra. "Putres! Hindi ba napupuna ng iyong kaisipan ang maaaring nilalaman ng sulat na iyon?! At Victorina—sigurado ka bang pangalan iyon ng bote? Hindi ba nababagabag ang isip mo kung sino ba ang taong iyon?" Ikinibit na lamang ni Padre Salvi ang kanyang balikat at humikab sa harap ng pari. Natapos na ang usapan nila doon.
Ang nais na lamang niya sa oras na yaon ay lumisan doon at sumilong na sa kanyang kuwarto at matulog, at minsang pangarapin ang kanyang mga kamay na walang-katapusang yumayapos sa mga paa ni Maria Clara.

Kinabukasan, Huwebes, nang palubog na ang araw, ay tumatakbo si Isagani sa Paseo de Maria Cristina na patungong Malecon, upang makaabot sa isang tipanang pinagkasunduan nila ni Paulita ng umagang iyon. Inaasahan ng binata na walang pagsalang ang mapag-uusapan nila ay ang mga nangyaring sinundang gabi, at humihiling na maabutan niya ito sa daungan, dahil huli na siya sa oras na kanilang pinagkasunduan.

Tumatakbo rin ang isipan ni Isagani nang balikan niya ang nangyari kanina, at sinusubukang siguraduhin na hindi iyon isang panaginip lamang.
Naalala niya ang eskinita. Oo, ang eskinita kung saan niya nakita ang babaeng di mawari kung bakit nababalutan ng putik, hawak-hawak ang isang maliit na krus na nababalot din ng lupa sa matulis na dulo nito. Gusot ang damit ng babae, ngunit masasabi mong galing siya sa kumbento. Pagod ang isinasaad ng kanyang mga mata. "Sa wakas, malaya na ako," ang mga salitang kanyang nakayanang sabihin bago tuluyang mawalan ng malay. Mabilis na nilalang si Isagani, at sinalo niya ang katawan bago pa man ito lumagpak sa mabatong daan. Sa isang taong katulad niya, ang unang pumasok sa kanyang isipan ay hanapan ng lugar kung saan mapapanatili nang saglit ang kahabag-habag na babae. "Si Orenda, malapit lang dito," ang nasabi ni Isagani at nagulat na lamang nang nalaman niya kung gaano kagaan ang katawan na binubuhat niya sa paraan ng pagkanlong ng paa at leeg ng babae sa kanyang mga bisig. Tumakbo siya patungo sa tahanan ng mayamang mang-aalahas. Malugod ang pagtanggap sa kanya ng kanyang kaibigan, ngunit hindi rin maiwasang magdalawang-isip sa bilin ni Isagani: "Maaaring dito muna manatili ang babae, dahil kailangan kong habulin ang pagkikita namin ni Paulita ngayong araw...babalikan ko na lamang siya mamaya."
Kung hindi lamang sukdulan ng bait ang mang-aalahas, (at dahil kaibigan niya si Isagani) ay hindi niya tatanggapin ang bilin nito. Lubos na nagpasalamat si Isagani, at nagmadaling tumakbo patungo sa lugar ng kanilang pagtatagpuan ng kanyang minamahal na si Paulita Gomez.
Ang gabi'y unting lumalalim nang kararating lamang ni Isagani sa daungan. Nararagdagan naman ng lungkot ang binata na halos mawalan na ng pag-asang makita pa si Paulita. Ang nagsisipaglibang ay unti-unti nang umaalis sa Malecon upang tumungo sa Luneta. Wala na. Wala na si Paulita.
Halos nakaligtaan na niya ang babaeng kanyang iniwan sa bahay ni Orenda, at hindi na ito mababalikan kung hindi niya nasilayan ang maliwanag na bahay ng mang-aalahas, na naapalibutan ng mga tao sa babaeng kanyang ibinilin kay Orenda. Nandoon si Chichoy, si Momoy, si Sensia, si Tinay at si Kapitana Loleng. Maging ang knayang asawa, ang dakilang Kapitan Toringgoy, palayaw na galing sa Domingo, na walang ginawa kundi magbihis, kumain, magpasyal at makipagsatsatan samantalang ang knayang buong pamilya ay gumagawa at nagsasakit, ay hindi rin tumungo sa kanyang mga kasatsatan noon at nakatitig na lamang sa babaeng nakahiga sa may banig. Lumapit si Isagani doon, at bago pa man lumapit sa babae ay nilapitan na siya ni Orenda, at pinakita sa kanyana ng isang gusot na sulat at isang boteng may Victorina, na siyang dating naglalaman ng isang klaseng likidong ang Diyos lamang ang nakakaalam. Sa maliit na papel nakasulat ang sumusunod:
Maria Clara,
Alam kong nais mo nang lumaya. Inumin mo ang nilalaman ng boteng ito at siyang pipigil sa pagtibok ng puso mo ng anim na oras. Sa ikaanim na oras ay muli kang makakahinga, at kapag inilibing ka na, ay maghanap ka na lamang ng paraan upang lumisan sa kumbentong iyan. Ito ay pinagawa ko kay Don Tiburcio, na nag-aral ng medisina. Pagpalain ka nawa ng Diyos.
Matanlawin
Nang binasa ni Isagani ang sulat, ay nagising na ang babaeng nag-aari ng boteng iyon. "I...ikaw si..." Nakita ng babae ang sulat at ang bote sa kamay ni Isagani, at sinikap na huwag pagsalitain ang binata. Tinutukan niya ito ng hawak-hawak niyang krus at sinabi, "Ibinibilin ko sa iyo, huwag mong ipagkalat ang totoong pagkatao ko, kundi..." nanginginig ang mga kamay ni Maria Clara. Bahagyang iginalaw ni Isagani ang kanyang ulo, sumasang-ayon sa sinabi ni Maria Clara.

Dumating din ang araw.
Si Basilio ay nakaluwas na sa pagkabilanggo, at ang unang nasa isip niya ay tumungo sa Pansiteria Macanista de Buen Gusto kasama si Isagani. "Nais ko magsaya at lunurin ang sarili ko sa alak," ang nasabi ni Basilio, na puno ng yamot nang gabing iyon. Tumingin na lamang si Isagani kay Basilio, at dahil kaibigan niya ito, ay pinagpasyahan niyang samahan—at subukang puwersahin na uminom na lamang siya ng tubig sa halip na alak.
Ngunit hindi na niya nakayanan iyon. Pabulalas ang tawa ni Basilio na umaalingawngaw sa bulwagan ng Pansiteria, na halos kalahati ng mga tao roon at nagsititigan sa kanya. Sinubukan ni Isagani patahimikin si Basilio, ngunit ito na lang ang binulong ni Basilio sa kanya: "...alam mo ba kung sino puntahan ko? Si Ibarra! Oo, Isagani, Simoun ay Ibarra! Maniwala ikaw akin! Ibarra...paghihiganti...Maria Clara... kayamanan... Simoun..." at bumagsak si Basilio sa sahig ng bulwagan. Nagbuntung-hininga si Isagani. Isa nanamang katawan ang dadalhin pauwi. Ngunit...totoo ba kaya ang sinabi ni Basilio? Si Simoun ay ang sinasabing alamat na si Crisostomo Ibarra?

Dumating na rin ang araw.
Maliwanag ang bahay ni Kapitan Tiyago. Nakatitig lamang si Basilio sa bahay, at pinagpapasya kung tama ba ang ginagawa ni Simoun, ang pamamaraan ng kanyang paghihiganti. Ang lampara...ang pagsabog...ang mga inosenteng tao... "Ano ba sa akin?" aniya sa sarili, "bahalang magbayad ang mabubuti na kasama ng mga makasalanan!" Pagkatapos ay nakita niyang pumanaog sa sasakyan si Simoun na dala-dala ang lampara ng kamatayan. Naramdaman ni Basilio na marahang tumibok ang kanyang puso sa nakita niya. Malapit na siyang mapasigaw nang narinig niya ang boses sa tainga niya. "Iyan ba si Crisostomo Ibarra?" Si Isagani. "...Sinong...sinong nagsabi noon?" Ani Basilio. Tinitigan siya ni Isagani, at pinaalala ang eksena sa Pansiteria. Nagulat na lamang si Basilio, at yumuko. Wala nang silbi ang paglihim ng lahat; sa gabi ding iyon, mamamatay ang lahat ng ikinamumuhian niya. "...siya nga. At balak niyang patuparin ngayon ang ilang dekada ng kanyang paghanda para sa paghihiganti para sa bayan...at kay Maria Clara. Nagbabalatkayo siya bilang si Simoun." Nais sabihin ni Isagani ang tungkol sa binabalak ni Maria Clara, ngunit nagpasiya siya na isang sikretong napahiwatig noong gabing iyon ay sapat na. Bumalik ang isipan niya kay Paulita. "Basilio... kailangan ko iligtas si Paulita. May utang ako sa kanyang pagkikita. Kasalanan ko lahat ito," ang binulong ni Isagani. "Diba't nais mo rin tumulong sa mga inosenteng tao roon?" sa sinabi nito ni Isagani, ay nagpasiyang samahan ni Basilio ito papasok sa bahay ng pista.
Sa oras na yaon, ay tila nagkaroon ng koro ng paghingal ng mga tao. Pati ang mga guwardiya ay napaitingala sa bahay. Ito ang nakitang pagkakataon ng dalawang binata na matuling pumanhik sa itaas ng bahay at silipin ang nangyari. Walang nakapansin sa dalawa nang nakalaan ang atensyon ng madla sa papel na pinulot ni Don Timoteo, katabi ang bangkay ni Padre Salvi, sa dahilang sinaksak siya gamit ang patulis na dulo ng ginintuang krus. Walang nakakita kung sino ang gumawa nito, ngunit nagdulot ng kilabot sa mga katawan ng madla ang nakasulat sa papel:  Manel Thecel Phares—Maria Clara. Simoun, ikaw ang susunod." Nakita ni Basilio na namutla ang mukha ni Simoun. Si Isagani ay napangiti lamang. Ngunit napawi din ito nang nagsimulang magtakbuhan ang mga tao. Nauna ang dalawang binata paalis sa bahay, at ang iba'y nagsisiksikan pang lumalabas sa pinto. Nawala ang hiwaga ng mga diyos at diyosa; si Jupiter ay naging isang hamak na lalaking nagnanais na umalis sa bahay na iyon.
Sa kasamaang palad, bago pa man makatakas si Simoun ay may may tumulak sa kanya at natabig niya ang lampara.
Hindi pala gaano kalakas ang pagsabog ng lampara, ngunit epektibo ito upang gawing abo na lamang ang bahay ni Kapitan Tiyago. Ligtas na ang dalawang binata sa may baybayin malapit sa bahay, at napatitig na lang sa eksena. Tila daig pa ng kisapmata ang nangyari. "...Paulita," ang nasabi na lamang ni Isagani.
Di nagtagal, ay nakita na nilang lumusob ang mga tulisan sa mga nakatakas sa bahay. Saksi ang langit sa lahat ng naganap: mga saksakan, barilan, sigawan, at mga dugong nagpinta sa daan galing sa mga buhay na binuwis nang gabing iyon. Di nakayanan ni Basilio ang nangyayari, at hindi niya sinundan ang bilin ni Simoun na magtayong pinuno nila sa himagsikan. Sa halip, ay tumakbo siya papalayo sa Anolague. Sinundan siya ni Isagani. Hinila niya si Basilio na halos paiyak na, at sinabing, "alam ko kung saan tayo magtatago."
Tila masarap ang pakiramdam na maamoy uli ang mabangong pinta sa bahay ni Orenda. Kinuwento ni isagani ang lahat, at umiyak na lamang si Sensia, at Si Kapitana Loleng ay napa-putris at sinabayan ng pagkurus. "Si Maria Clara ang may kasalanan nito...dapat hanapin nila ang demonyo!" Si Basilio ay litong-lito na. Tumindig na laman si Isagani at naglakad-lakad.
Sa kanyang nag-iisang tahanan sa baybay dagat, na ang magalaw na ibabaw ay natatanaw s amga bukas na bintana at umaabot sa malayo hanggang sa makiisa sa huling dako ng natatanaw, ay nililibang ni Padre Florentino kanyang pag-iisa sa pamamagitan ng pagtugtog ng malungkot na himig sa kanyang armonium. Hindi niya ninanais ang ginawa niya, ngunit nang siya'y magsisi ay nangyari na ang lahat. Mabilis kumalat ang balita. Sumabog ang bahay ni Kapitan Tiyago, kasama ang mga matataas na kawani ng Espanya. Pati si Simoun, napasama na rin. Wala nang namumuno sa mga bayan ngayon kundi ang mga indiyo na naghahari sa mga lansangang napupuno ng mga dugo ng mga taong nasawi. Ang iba'y sumisigaw pa rin hanggang ngayon ng kanilang pagkapanalo, ang iba naman ay naiiwang nakatitig sa kalangitan, di mawari kung ano na ang gagawin nila. Wala ang kanilang pinuno, wala rin si Basilio. Ngunit nabura na sa balat ng lupa ang mga kastila, at hindi ba iyon ang gusto ng mga tao?... ang inisip na lamang ni Padre Florentino sa sarili. Hindi niya niligtas si Maria Clara dahil naawa siya sa binibini; hindi—dahil siya lamang ang magagamit niya upang matuloy ang kanyang matagal nang pinaplano. Takutin ang mga prayle't kastila sa muling pagkabuhay ni Maria Clara, at ang pagbigkas ng kanyang paghihiganti—ah, mga mangmang na tao, madaling madala sa mga pamahiin. Si Maria Clara ang siyang nagdadala ng galit ni Florentino... ngunit hindi niya inaasahan ang pagsabog ng bahay ni Kapitan Tiyago...simula pa lamang ng plano niya ang pagpatay sa pari. Ngunit, di ba't maganda nang nangyari ang ganoon? Maaari na magsimula muli ang Pilipinas upang bumangon sa bagong kasarinlan...ngunit, may kasarinlan nga ba? Malaya na nga ba talaga ang bansa?
Pumasok si Padre Florentino sa maliit na kuwarto, at nasilayan ang maliit na bote na pagmamay-ari ni Don Tiburcio—na nais niya "ibigay" kay Victorina. Nagiging bihasa na siya sa paggawa ng mga likidong tulad nito; mga lason na iba-iba ang timpla. Nilapitan ito ni Florentino, kinuha, at ininom lahat ng kontento nito. Napahiga siya sa kama. "Tapos na ang lahat," ang naibulong sa sarili.
Halos hindi na makahinga ang pari nang dalawin siya ni Maria Clara, gula-gulanit na ang damit at nangangamoy dugo ang buong katawan. Lumuhod siya sa harap ng pari. "Padre Florentino...nagkasala po ako...hindi ko po ito kayang ipagpatuloy..ngunit nagpapasalamat ako na iniligtas niyo ako..."
"Patawarin kayo ng Diyos, Binibini! Batid niyang tayo'y anak sa pagkakamali, nakita Niya ang inyong tiniis..." hindi na tinuloy ng pari ang kanyang sinabi. "...May Diyos nga ba?..." ang nasabi ni Maria Clara, na nagbuntung-hininga. Wala nang sinabi si Florentino. Maputla na ang mukha at hindi na humuhinga. Nakaluhod nalang doon si Maria Clara at lumuha na lamang. "Ano ang ginawa ko?...nasaan ang kabataang naglalaan ng kanilang magagandang sandali, mga pangarap at kasiglahan sa ikabubuti ng kanilang bayan?" Tumindig bigla si Maria Clara, at pinunas ang pumatak na mga luha. May nakita siyang damit na siguro sa asawa ni Tiburcio, at sinuot ang mga ito. Tinanggal niya ang tali ng kanyang magulong buhok, at umabot ang dulo ng buhok sa talampakan niya. Kumuha siya ng kutsilyo at ginupit ito hanggang balikat niya. Kinuha niya ang pamaypay at inilapit sa mukha niya. Tumingin siya sa salamin. Pwede na, ang sabi niya sa sarili. Ngumiti siya, at lumabas ng pinto. Si Maria Clara, na dating isang magandang binibini na may maramyang buhay—ay habang-buhay na ngayo'y papalaot sa panibagong mukha ng bansang kanyang sinilangan.
It was part of our final exam in Filipino, in relation to the novel "El Filibusterismo": "Kung ikaw ay bigyang kalayaan na tapusin ang kuwento, paano mo ito tatapusin at bakit?"
"If you were given the freedom to make your own ending, how will you end it and why?"

...although because it's kinda late I forgot to include the "why" part. Haha.

I shall apologize for the typos you are going to witness there, because I believe there are more than one, being able to do that at the late of night til the dawn of day.

...I did an attempted Rizal-ish style of writing: amusing myself in beating around the bush and describing things and events longer than usual.

Enjoy?...
Add a Comment:
 
:iconmizanete:
mizanete Featured By Owner Apr 9, 2011
This was the whole thing? I thought yours was longer. XD
Reply
:icondragonaliengal:
dragonaliengal Featured By Owner Apr 10, 2011
post yours!! post yours!! :D
Reply
:iconmizanete:
mizanete Featured By Owner Apr 10, 2011
On my way. Grabe, Lly. Why'd you have to post two separate comments? Hassle. :P
Reply
:icondragonaliengal:
dragonaliengal Featured By Owner Apr 10, 2011
...that wasn't long to you?..woah..~ haha yah. thats the whole thing, i guess. :)
Reply
:iconmizanete:
mizanete Featured By Owner Apr 10, 2011
Well, it was lang, but when you printed it, it seemed SO MUCH LONGER. XD
Reply
:icondragonaliengal:
dragonaliengal Featured By Owner Apr 10, 2011
oh...hahahahahaha XD i see...
Reply
Add a Comment: